Wednesday, February 15, 2006

Paikot-ikot

Unang araw ng training sa bagong trabaho. Nakakahilo. Ibang klase. Ang silid ay hinati sa tatlong grupo, at bawat grupo ay may kanya kanyang trainer na may kanya kanya ding itinuturo. Nailalarawan nyo ba sa inyong isipan, sabay sabay silang nag tuturo sa iisang silid? Kailangan ng ibayong konsentrasyon para maintindihan ang mga sinasabi at para hindi maapektuhan ng ingay ng ibang grupo. Sumakit ang ulo ko sa simula at dahil sa likas kong katauhan na tahimik, dumapo sa aking isipan na hindi ako matututo kung mananatili akong ganito. Kailangan kong magpalit ng anyo. Mag palit ng katauhan. Magpalit ng costume. Kailangan kong magpa bibo at kailangan kong maintindihan ang lahat ng ito dahil lingid sa kaalaman ng lahat ay meron akong lihim na pinaplano. Isang balak sa kumpanyang ito. Ang tumaas ang aking posisyon sa lalong madaling panahon. At ang tahimik at tuod na Mickoy ay naging isang bulate na binudburan ng asin. Lahat ng katabi ay dinaldal. Lipat dito. Lipat doon. Lahat ng hindi maintindihan ay tinatanong at kahit naintindihan na ay nagtatanong parin. Si Mickoy ay naging hunyango, pinalitan ang kulay ayon sa kapaligiran. Ibinagay ang sarili sa lahat upang makaiwas sa mga kalabang nais syang puksain at kainin ng buhay. At ganito nga pala ang patakaran dito kaya wala tayong magagawa kundi ang sumunod.

Ilalahad ko kung ano ang iba pang nangyari sa loob ng silid na iyon. Matapos ng isang trainer sa kanyang tinuturo ay lilipat ang grupo sa kabila para sa panibagong aralin. At dahil sa kinakausap ko na ang mga tao ay nagkaroon ako ng mga kabukambibig pero sa loob loob ko ay bakit ganito ang mga tao dito. Isa sa mga kasamahan ko ay bigla nalang tumawa ng walang kadahi dahilan, at tawang tawa sya. Akala mo ay isang nilalang na lango sa usok ng isang halamang hindi pinahihintulutan na gamitin nino man. Halos lahat kami ay nakatingin na sa kanya. Mga nagtataka, dahil sa kanyang walang humpay na pag halakhak ng pagkatagal tagal at sa isang kisap mata ay bigla nalang siyang huminto na parang walang nangyari. Nakakatakot. Baka isa itong sakit na nakakahawa. Tsk. Tsk. Tsk. Ang mga tao nga naman. Bakit ba may mga ganitong klase ng mga nilalang? Sadya bang walang ukol para sakin? Wala bang ka lebel ng aking pagkatao? Ng aking Pag iisip? Habang ako'y patuloy na nakikipag usap sa mga taong ito, ang akala ko ay magiging kaibigan ko sila sa aking pagbabalatkayo pero ako ang nalinlang. Nang dumating ang oras para magpahinga, ako ay bumaba ng gusali para magpahangin. Sa gitna ng aking pagpapahinga habang naka upo at nakikinig ng mga awitin sa aking munting gamit ay nakita ko ang mga kasamahan ko na dumating pero parang wala silang nakita. Ako ay dinaanan lamang nila na parang isang palamuti. OO, palamuti! Dahil ako lang naman ang maaari mong tignan na ka aya aya sa paningin sa lugar na iyon. Nag isip ako. Hindi kaya nagpalit nanaman ang kulay ng hunyangong Mickoy kaya ako ay hindi nila nakita? O baka naman inisip nila na dapat ay ako parin ang lumapit at makihalubilo? Hindi ko na pag aaksayahan ng panahon ang mga ito. Oras ito ng aking pahinga. Lumapit ang may gusto, huwag ang may ayaw. Kung sabagay, hindi ko naman sila masisisi kung mag alinlangan silang kausapin ako. Siguradong nahihiya lang sila dahil alam nila sa sarili nila na hindi sila nababagay sa akin. Tama nang ako ang lumapit at nakihalubilo sa kanila sa loob ng opisina, na paglabas namin ng silid na iyon ay kailangan naming bumalik sa tunay na kami.

Malaon, ang araw na ito ay nagkaroon agad ng apat na pagsusulit. Hindi nakakapag taka na sa unang tatlo ay nakakuha ako ng perperktong marka, pero ang ikinabubugso ng aking damdamin ay ang pang apat. Nagkaroon ako ng dalawang mali na ikinabunga ng pitumpu't limang bahagi (75%). Sinisisi ko ang aking sarili dahil dito. Oras na para lisanin ang lugar na iyon at halos ang lahat ay nagsisi alisan na kaya ako ay nataranta at nagkamali ng pindot sa makinang nasa aking harapan. Kasalanan ko. Kailangan kong bumawi at hindi na magkaroon ng mga mali sa lahat ng mga pagsusulit sa hinaharap sa loob ng anim na linggo. Kailangan kong maging pinakamagaling sa lahat para maisakatuparan ko ang aking plano. Sa ibang banda, mabuti na rin na mayroon akong mali dahil maaaring may mag hinala lamang kung ito ay kukunin ko ng may perpektong grado sa lahat. Hindi natin alam kung papano tumakbo ang isipan ng mga tao na ito. Bukas, sa muling pagsikat ng haring araw, ako ay papasok muli at magiging isang hunyango at babalik sa dati pag sapit ng takip silim. Ganito talaga. Hayaan na natin. Ako na lamang ang iintindi dahil ako lang naman ang may kakayahan na gawin iyon.

Hay... ang buhay nga naman, paikot-ikot lang talaga.

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home