Monday, February 13, 2006

Ganun naman talaga.

Unang araw sa panibagong paglalakbay. Panibagong simula.

>Kabado...
>>Ganun naman talaga.

>Natutuwang natatakot...
>>Ganun naman talaga.

>Nakakapanibago...
>>Ganun naman talaga.

Ngunit bakit ako lang? Sa mahigit isang daang mga bagong mukha, bakit tila yata ako lang ang naiiba sa lahat? Tila ako lang ang nakakaramdam ng kaba? Lahat sila ay parang mga dati nang magkakakakilala na matagal lang na hindi nagkita at ngayon ay nagkakamustahan, nakikibalita kung anu-ano na ang nagyari sa kanilang mga buhay pero siyang tunay na ngayon lang din naman silang lahat nagkakilala. Tila ako lang ang nakakaramdam ng paninibago? Ang mga tao'y parang nasa kanilang mga tahanan at sobrang kumportable samantalang ako ay parang isang musmos na nawalay sa kinalakhang lalawigan. Walang kausap. Walang kalaro. Walang kaibigan. Isang tuod na nakaupo at tahimik na nakamasid sa mga labi sa aking harapan na walang humpay sa pagbuka. Walang puknat sa pagsasalita. Walang sawa sa pagpapaligo ng mga nilalang na tamaan ng mala asidong laway nito. Inihandog ang mga tenga para makinig pero hindi ang isipan para umintindi. Lumalakbay sa kawalan ang mapaglarong kamalayan. Laksa-laksang tanong na hindi mahanapan ng kasagutan. Hinahayaang pagsamantalahan ang sarili sa walang pakundangang pagtusok at pagbaon sa aking kaloob-looban ng sinadyang mapanakit na kalamigan ng malapalasyong lugar na iyon. Ngunit bakit parang ako lang ang nakakaramdam? Sadya bang ganito ako? Sadya bang ganito ang pagkatao ko? Sadya bang inilalayo ko ang sarili ko sa lupon ng mga tao na aking makakasama sa hinaharap? Sa kabila ng lahat ng mga palaisipang ito ay may isang napakalaking katanungan na hindi ko mawari kung ito ba ay sinadya ng panahon o ng mapaglarong tadhana.

Bakit ako lang?
Bakit ako lang?
Bakit ako lang?

Bakit ako lang ang may hitsura at magandang lalaki sa kanilang lahat?!!!

>Nakakalungkot...
>>Ganun naman talaga.

1 Comments:

Anonymous Anonymous said...

di ka nag-iisa sapagkat sa mag oras na iyon ganoon din ang nararamdaman ko, kabado dahil lahat bgo lalo nasa sa mga bgong mkha n aking pakakabagayan, sa kabila ng kaba ay galing ng aking pagpapanggap na akoy hindi kinakabahan- di ka nag-iisa dude- HEAVENSEYES

12:51 PM  

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home